Buhay #2

By Emanuel Swedenborg

Study this Passage

  
/ 114  
  

2. Yamang ang relihiyon ay tungkol sa kung paano tayo namumuhay at ang pang relihiyong paraan ng pamumuhay ay ang paggawa ng mabuti, bawa’t isang nagbabasa ng Salita ay dapat na nakikita at kinikilala ang paggawa ng mabuti sa pagbabasa nito. Makikita natin sa Salita ang mga sumusunod.

Ang sinomang sumuway sa isa sa kaliitliitang mga utos na ito, at ituro ang gayon sa mga tao, ay tatawaging kaliitliitan sa kaharian ng langit: datapuwa’t ang sinomang gumanap at ituro, ito’y tatawaging dakila sa kaharian ng langit. Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na kung hindi hihigit ang inyong katwiran sa katwiran ng mga eskriba at Fariseo, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit. (Mateo 5:19-20)

Bawa’t punongkahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. Kaya’t sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. (Mateo 7:19-20)

Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking ama na nasa langit. (Mateo 7:21)

Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, “Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan?” At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, “Kailan ma’y hindi ko kayo nangakikilala. Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasan.” (Mateo 7:22-23)

Kaya’t ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kanyang bahay sa ibabaw ng bato; at ang bawa’t dumirinig ng aking mga salitang ito at hindi ginaganap, ay matutulad sa isang taong mangmang, na itinayo ang kanyang bahay sa buhanginan. (Mateo 7:24, 26)

Sinabi ni Jesus, “Ang manghahasik ay yumaon upang maghasik. Ilang binhi ay nahulog sa matigas na daan, ang iba’y nangahulog sa batuhan, ang iba’y nangahulog sa dawagan, at ang iba’y nangahulog sa mabuting lupa. Ang mga taong tinanggap ang binhi sa mabuting lupa ay yaong mga nakinig at naunawaan ang Salita at nangagbunga at naging kapaki-pakinabang, ang ila’y tigisang daan, at ang ila’y tigaanimnapu, at ang ila’y tigtatatlongpu.”

Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, sumigaw si Jesus at sinabi, “Ang may mga pakinig ay makinig.” (Mateo 13:3-9, 23)

Ang Anak ng Tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama, at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kanyang gawa. (Mateo 16:27)

Datapuwa’t pagparito ng Anak ng Tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, kung makagayo’y luluklok siya sa luklukan ng kaniyang kaluwalhatian at sasabihin sa mga tupang nasa kanyang kanan, “Magsiparito kayong mga pinagpala, manahin Ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat ng itatag ang sanglibutan; sapagka’t ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain. Ako’y nauhaw at ako’y inyong pinainom. Ako’y naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy. Naging hubad, at inyo akong pinaramtan. Ako’y nagkasakit at inyo akong dinalaw. Ako’y nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.” Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid. “Kailan ka namin nakitang ganito?” At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang inyong ginawa sa isa sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.” At sasabihin ng Hari ang mga gayon ding bagay sa mga kambing na nasa kaniyang kaliwa na yamang hindi ninyo ginawa ang mga bagay na ito ay sasabihin niya sa kanila, “Magsilayo kayo sa akin, kayong isinumpa sa walang hanggang apoy na inihanda para sa mga Demonyo at sa kanyang mga anghel.” (Mateo 25:31-46)

Kayo nga’y magbunga ng karapatdapat sa pagsisisi. At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy. Ang bawa’t punongkahoy na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy. (Lucas 3:8-9)

Sinabi ni Jesus, “Bakit tinatawag ninyo akong Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi? Ang bawa’t lumalapit sa akin, at pinakikinggan ang aking mga salita, at ginagawa ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay na inilagay ang patibayan sa bato; datapuwa’t ang sinomang dumirinig at hindi ginagawa ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang patibayan.” (Lucas 6:46-49)

Sinabi ni Jesus, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nangakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa.” (Lucas 8:21)

At mangagpapasimula kayong mangagsitayo sa labas at mangagsituktok sa pintuan at mangagsasabi’ “Panginoon, buksan mo kami!” Subali’t sasagot siya at sasabihin niya,” Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo’y taga saan. Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.” (Lucas 13:25-27)

At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa. Bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw dahil mahahayag ang kanilang mga gawa. Datapuwa’t ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw upang ang kanilang mga gawa ay makita ng maliwanag at upang mahayag na ang kanilang mga gawa ay ginawa sa Diyos. (Juan 3:19-21)

At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol. (Juan 5:29)

Nalalaman naming hindi pinakikinggan ng Diyos ang mga makasalanan; datapuwa’t kung ang sinomang tao’y naging mananamba sa Diyos, at ginagawa ang kaniyang kalooban, siya’y pinakikinggan niya. (Juan 9:31)

Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong gawin. (Juan 13:17)

Kung ako’y inyong iniibig ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, sila’y iibigin ko at ako’y magpapakahayag sa kanila. Ako’y pasasakanila at siya’y gagawin kong aking tahanan. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita. (Juan 14:15, 21-24)

Sinabi ni Jesus, “Ako ang puno ng ubas at ang aking Ama ang magsasaka. Ang bawa’t sanga na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawa’t sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga. (Juan 15:1-2)

Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo’y magiging aking mga alagad (Juan 15:8)

Kayo’y aking mga kaibigan kung gawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. Akin kayong inihalal upang kayo’y maagsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga. (Juan 15:14, 16)

Sinabi ng Panginoon kay Juan, “Sa anghel ng iglesiya sa Efeso ay isulat mo, ‘Nalalaman ko ang iyong mga gawa. Nguni’t mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang iyong unang pagibig. Magsisi ka at gawin mo ang iyong mga unang gawa o kung hindi ay aalisin ko ang iyong kandelero sa kanyang kinalalagyan.’” (Pahayag 2:1-2, 4-5)

Sa anghel ng iglesiya sa Smirna ay isulat mo, “Alam ko ang iyong mga gawa” (Pahayag 2:8-9)

Sa anghel ng iglesiya sa Pergamo ay isulat mo, “Alam ko ang iyong mga gawa. Magsisi ka nga!” (Pahayag 2:12-13, 16)

Sa anghel ng iglesiya sa Tiatira ay isulat mo, “Nalalaman ko ang iyong mga gawa at pagibig; ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una.” (Pahayag 2:18-19)

Sa anghel ng iglesiya sa Sardis ay isulat mo, ”Alam ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay may pangalang ikaw ay nabubuhay, nguni’t ikaw ay patay. Wala akong nasumpungang iyong mga gawang sakdal sa harapan ng Diyos. Magsisi ka!” (Pahayag 3:1-3)

Sa anghel ng Filadelfia ay isulat mo, “Nalalaman ko ang iyong mga gawa.” (Pahayag 3:7-8)

Sa anghel ng iglesiya sa Laodicea ay isulat mo, “Nalalaman ko ang iyong mga gawa. Magsisi ka!” (Pahayag 3:14-15, 19)

Narinig ko ang isang tinig na mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo: Mapapalad ang mga patay na nangamamatay sa Panginoon mula ngayon.’ “[Oo] sinasabi ng Espiritu, upang sila’y mangagpahinga sa kanilang mga gawa; sapagka’t ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.” (Pahayag 14:13)

At nabuksan ang aklat na siyang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa aklat, lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. (Pahayag 20:12-13)

Narito, ako’y madaling pumaparito, at ang aking ganting-pala ay nasa akin, upang bigyan ng kagantihan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang gawa. (Pahayag 22:12)

Gayon din sa Lumang Tipan:

At gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga kilos, at ayon sa gawa ng kanilang mga kamay. (Jeremias 25:14)

Si Jehovah, ay dilat ang mga mata sa lahat ng mga lakad ng mga anak ng tao, upang bigyan ang bawa’t isa ayon sa kaniyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kaniyang mga gawa. (Jeremias 32:19)

Akin silang parurusahan ayon sa kanilang mga lakad, at gagantihin sa kanila ang kanilang mga gawa. (Oseas 4:9)

Si Jehovah ay nakikipagtrato sa atin ayon sa ating mga lakad, at ayon sa ating mga gawa. (Zacarias 1:6)

Marami ring mga talata na nagsasabing kailangang ganapin ang mga palatuntunan, mga kautusan, at mga batas gaya ng mga sumusunod:

Tutuparin ninyo ang aking mga palatuntunan at ang aking mga kahatulan. Na ikabubuhay ng mga taong magsisitupad. (Levitico 18:5)

At inyong iingatan ang lahat ng aking palatuntunan, at ang lahat ng aking kahatulan, at inyong isasagawa. (Levitico 19:37; 20:8; 22:31)

Ang mga anak ni Israel ay pinangakuan ng pagpapala kung gagawin nila ang mga alituntunin, at mga sumpa kung hindi nila isasagawa. (Levitico 26:3.46).

Sila ay inutusan na gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit upang maalala ang lahat ng mga kautusan ni Jehovah at upang ang mga ito’y kanilang ganapin (Mga Bilang 15:38-39) – at may libo-libo pang mga talata.

Gayundin, itinuro ng Panginoon sa mga talinghaga na nang dahil sa mga gawa kaya tayo ay bahagi ng iglesiya at dito nakasalalay ang ating kaligtasan. Karamihan ng kaniyang mga talinghaga ay patungkol sa mga gumawa ng mabuti na tinanggap at sa mga gumawa ng masama na di tinanggap.

Tingnan bilang halimbawa, ang talinghaga ng mga manggagawa sa ubasan (Mateo 21:33-44, ang talinghaga ng puno ng igos na hindi nagbunga (Lucas 13:6-9), ang talinghaga ng mga talento na ayon sa talinghaga ay gamitin upang ipangalakal (Mateo 25:14-30; Lucas 19:13-25), ang talinghaga ng Samaritano na nagtali sa mga sugat ng taong binugbog ng mga tulisan (Lucas 10:30-37), ang talinghaga ng taong mayaman at ni Lazaro (Lucas 16:19-31), at ang talinghaga ng sampung kabataang dalaga (Mateo 25:1-12).

  
/ 114